Friday, January 25, 2008

TAGPUAN, KAINAN....SAAN?

Nais ko lamang pong ibahagi ang konting nalalaman tungkol sa mga lugar na puwedeng puntahan pag kumakalam na ang tyan.......

JOLLIBEE - kung nais mong praktikal at malapit na kainan, dito nyo po subukan, sa dami ba naman ng branch ito'y madaling matagpuan...hanapin po lamang ang bubuyog na nakasmile, pulang pula sa kulay madaling matandaan....dito kami madalas magpalipas ng hapunan, simpleng order lang may chicken joy ka at sofdrinks na regular..Kung tamad ka namang lumabas at medyo umuulan, i-dial lamang 8-7000 yan po ang hotline.


CHOWKING - kung hanap mo'y noodles o mainit na sabaw, wag nang magatubili dito'y puntahan...sari-saring putahe iyong pagpipilian, at meron pa silang bago tawag nilay chow fan...Paborito ko dito'y spareribs with sabaw, pero mag lauriat ka na lang pag tingin mo'y kulang, chicken, sweet sour, meron ding shanghai....at sa mga taong hanap ay anghang, yayain ang tropa dito'y subukan, may wanton beef noodles spicy man o regular...tyak paglabas mo'y sumisipol ka sa anghang...Pasensya na po di ko po nalaman ang kanilang hotline....


GOLDILOCKS - makapinoy bang pagkain ang tangi mong asam, maraming putahe ang dito'y matatagpuan, may bistik tagalog, nilaga, sinigang at ang natatangi sa lahat puto at dinuguan..At di lamang yan ang puwede mong tikman, may mga cakes din dito at ibat-ibang tinapay....Kayat sa paglabas mo't ito'y masilayan...sinisuguro ko ito'y babalik-balikan


MC DONALD - pagkaing banyaga ang dito'y tawag nila pagkat sa pangalan pa lang iyo nang mapupuna...di na kailangan pang magisip, manghula pagkat hango ito sa bansang Amerika..Sari-saring pagkain dito ri'y tinitinda, may burger hotdog, fries o mamili ka na...kung hanap mo'y desserts aba'y meron din sila..itanong nyo pa sa mga nagtitinda...

Sa mga katulad kong trabaho'y magdamagan, almusal dito'y bilhin sa murang halaga lamang, may pancake, longganisa, itlog at hash brown pa,..sabayan mo ng kape, tsokolate o tubig na...


INENG'S - dito naman po'y iba kanilang tinitinda, tinusok na karne at iniihaw pa, may karne, may isda pati na pugita, pagluluto dito'y iyong makikita, amoy ng order mo'y langhap na langhap na...

Bat di subukang ito'y sadyain, nang maranasan mo ang luto sa Ineng...


Hanggang sa muli.........

Thursday, January 24, 2008

PAGKAGAT NG DILIM

Unti-unting dumilat ang aking nga mata at napansin kong madilim na ang buong paligid, tahimik ang kanina'y sari-saring ingay kong naririnig dulot ng kabi-kabilaang pagpapatugtog ng radyo ng aming mga kapitbahay, pagiyak ng mga batang napikon sa kanilang paglalaro, tunog ng mga sasakyang walang patid kung magbusina dahil sa trapik na dulot ng isang paghuhukay...mga ingay na di na pinansin dulot na rin ng sobrang pagod ng katawan.

Habang ako'y nagmamasid, napansin kong patuloy paring umiikot ang propeller ng electric fan, hay naku summer na naman...ramdam na naman ang unti-unting paginit ng panahon, mga karanasang paggising mo'y pawisan ang buong katawan...mapalad ang mga may aircon na kahit papaano'y nakakadagdag ginhawa sa katawan ang lamig na kanyang binibigay...

Naalala ko rin na sa mga oras na ito'y kailangan ko na palang bumangon ng tuluyan pagkat oras na ng pasukan...mahirap mabigyan ng memo, bawas din sa kasikatan....kaya heto madalian na lang ang ligo, mapasadahan lang ng sabon ang katawan, makapagtoothbrush, pabango ng konti..ready to go na....

As usual abang ng jeep sa kalsada, habang nagaantay may tangang yosi sa pagitan ng mga daliring pinagkaitan ng tadhana para makatikim ng ginhawa...Habang patuloy sa pagtakbo ang sasakyang walang patid kung huminto dahil sa kali-kaliwang pumapara na sa tingin ko'y kapwa ko makikipagpuyatan na naman, sa di kalayuan ay napansin ko ang mga sasakyang naguumpisa nang magkanda buholbuhol. Parang pagong na lang kung umusad, minsa'y bigla kang mapapatakip ng tenga dahil sa walang patid na pagbubusina ng ibang sasakyang animo'y mga hari sa daan...

Minsan naiisip ko, anong nagagawa ng pagiingay kung alam naman natin na sa unahan pa lang ay di na magkamayaw sa pagsisiksikan. Sabi ko nga sa sarili ko bakit di na lang buksan ang stereo at daanin na lang sa pakikinig ng radyo ang lahat, sabi nga sa isang fm station "kailangan pa bang imemorize yan?"....

Pansin ko din ang kaliwa't kanang pagmamadali ng ibang taong ang hangad ay makauwi ng maaga sa kanikanilang tahanan, ang iba'y nagkukumahog sa pakikipagunahan sa pagsakay sa jeep para lang mahabol ang Koreanobelang sinusubaybayan. Kadalasan sa loob pa lang ng sasakyan ay usap-usapan na kung ano na ba nangyari kay Marimar, yung iba naman tungkol sa "Maging Sino Ka Man"....


Kaydaling lumipas ang oras heto't malapit na pala ako sa babaan, hanggang sa muli...minsan bakit di mo subukang pansinin ang ibat-ibang nangyayari pagsapit ng karimlan....habang ika'y naglalakbay...

Wednesday, January 23, 2008

MAKAPANGYARIHANG KAPE

Marami sa atin ang nagsasabi na ang kape ay para lamang mabuo ang isang yugto ng almusal, ika nga'y sawsawan ng pandesal..napakalinis nating tignang mga pinoy, biruin mo hinuhugasan pa natin ang tinapay sa isang tasang kape ngunit sa bandang huli'y napalitan ng pandidiri sapagkat atin ding inuubos ang kapeng syang nagpalambot at luminis sa munting tinapay na syang dahilan ng lakasa natin sa umaga. (Patawa lang)

Marami rin ang nagsabing para maalis ang antok, sa pamamagitan nito'y nagigising ang diwa at patuloy na gumana ang utak para sa mga isiping gusto nating sulitin sa magdamag..tanda ko pa nung nasa college pa lang ako...bawat hagupit ng ng ibat-ibang klaseng exam ay sya ring araw na pinaghahandaan ang isang garapong kape, isang garapon din ng asukal na minsa'y hahamunin ng linamnam ng coffeemate...aba sosyal estudyante pa lang....bawas allowance din yan kaya black coffee na lang. Sabi ko nga sa mga kaklase ko anong panama ng mga brain vitamins sa sobrang mamahal...pakulo ka lang ng tubig, maghanda ng kutsara, ibudbod mo ang mahiwagang mga sangkap...solved...instant brain vitamin ka na...bakit di nyo subukan?

Ngunit iba ang karanasang dulot ng kape nung magsimula na akong mamasukan sa trabaho..sa kasawiang palad lahat ng napasukan ko'y puro magdamagan...ika nga ng iba'y takot ako sa araw..Nagsimula ang lahat nung unang araw na ipakilala ang vendo machine sa opisina, lahat yata ng ugat ko'y natuwa kasi nga ba naman bawas effort sa pagtitimpla, saksakan mo lang ng ilang pirasong barya..oooops..right away may coffe ka na...iba na talaga ang makabagong teknolohiya...Ngunit hindi dahil sa makinang yan ako natuwa kundi sa kadahilanang magiging araw-araw palang tagpuan naming magkakatrabaho, magkakaibigan ang lugar kung saan ang vendo ay matatagpuan..

Sa mga panahong kami'y nagkakape, di maiiwasang magkakuwentuhan, may malungkot, masaya, boring, alang nilalaman pero okay lang din naman...mahirap kayang ma-out of place kaya bira na lang ng bira bahala na saan mapunta ang usapan..Minsan nga may napipikon pero tawa pa din ang banat palibhasa non sense naman talaga at nakakpikon na ang paksa...Araw-araw sa bawat kabanata ng pagkakape, mariringgan mo ang mga kasama mo ng mga kuwento ng kanilang mga pangarap, pagpapakasakit, katanyagan at pagkapanalo sa isang bagay na kung saan sila ang bukod tanging pinalakpakan. Napakasarap isipin na sa munting pagsasalo-salo na akay sa kamay ay kape, maraming opinyon, karanasan, aral at mga pagpapaalala tayong natutuklasan....Nandyan pa ang lalong tumitibay na samahan, sa pamamagitan lamang ng pagaanyaya sayong magkape, ibayong pagpapahalaga ang mararamdaman...

Sa bandang huli, anong klase mang kape ang iyong tikman, mahal, instant, kahit ano pa yan, hanggat buo ang samahang binuo ng nakatagong sangkap nito, asahan mo talo pa nito ang makipagpenpal, phonepal...at kahit ano pang klase ng pal para lang makalikom ng mga tapat na kaibigan...

Sana kahit minsan makasama kitang magkape, upang ganap na maranasan at maramdaman ang kapangyarihan nitong taglay...