Tuesday, January 22, 2008

MIKROPONO/HEADSET

Kawangis ka ng isang koronang sumisimbolo sa isang kapangyarihan, gabi-gabi kang gabay sa pagtugon sa tungkulin na ang adhikain ay masilbihan ang mga taong nangangailangan na tanging sa telepono lang mabibigyang katuparan.

Sa munting bulong na pilit na pinaparinig sayo'y katuparan ng isang bagay na nais mapagtagumpayan. Bukod tangi kang nilaan sa mga taong ang hangad ay makalikom ng papuri mula sa kabilang panig ng mundo na pilit na sumasalungat ngunit ang iba'y natitianod sa mabuting pakiusap at malamyos na pagpapaliwanag.

Hindi nga ba't napakapayak mong pagmasdan at maihahalintulad ka lang sa isang munting bagay na minsan ay kumukupas at dinadalaw ng kalumaan. Ngunit di natin alintana na sa isang kapirasong bagay ang hatid ay isang ganap na pagmulat at paglaban sa hirap na bunsod ng kawalang pagasa sa buhay. Hindi ba't sa pamagitan nito'y malaya nating nasasabi ang ating gustong ipahiwatig sa ibang tao ang ibat-iba nating saloobin, nabibigkas ang mga katagang sa tingin nati'y sa iba'y makakapagdulot ng katiwasayan sa pangaraw-araw na buhay.

Tinatangi ko ang sayo'y nakasuot at gumagamit bilang matibay na sandata..Nagiging ganap na mahusay na mandirigma ang sayo'y bumabanaag na sa patuloy na pakikibaka ay kasama ka, walang pagtalikod at walang alinlangang lupigin ang mga hadlang sa isang pangarap na hinubog na panahon na sayo'y natagpuan...

Maihahalintulad ka sa isang sandatang sa isang igkas ay lasap ang tagumpay laban sa mapalinlang na biro ng tadhana..Pakaingatan ka at sanay pahalagahan ka upang sa susunod na henerasyon ay magamit ka ng ibang taong ang tingin sa mundo ay puno ng lungkot, poot at karimlan...

No comments: