Tuesday, January 22, 2008

SA KABILA NG KADILIMAN

Malamig ang gabi, ramdam ko ang samyo ng hangin na bumabalot sa lugar na aking kinalalagyan dulot ng magdamagang pagandar ng makinang nagbibigay lamig sa buong magdamag. Tanging ang tunog ng pagtipa ko sa mga letrang nakaukit sa makinang syang naging matalik kong kaibigan ang tanging maririnig. Sa gitna ng katahimikang ito, unti-unting namuo sa aking isipan ang matinding isiping bakit ako narito, bakit patuloy na dilat ang mga mata na pilit na nilalabanan ang antok.....bakit nga ba?

Hindi ba dapat na sa mga oras na ito ay nakalapat ang katawan sa higaan, nagaantay na antukin habang nagmamasid at nanganagarap sa mga bagay na gustong gawin sa hinaharap. Kay sarap isipin na sa pagbukas ng bagong umaga ay makasalo ang mahal sa buhay sa isang munting almusal...pinagsasaluhan ang ilang pirasong pandesal, isang tasa ng mainit na kape na sa bawat higop ay nagdudulot ng matinding kabusugan kahit di nahahaluhan ng gatas na sa iba'y nakagawian....

Sa kabila ng mga isiping ito'y namuo ang isang ngiti sa mga labi, aking napagtanto ang buong paliwanag bakit ako narito, pilit nilalabanan ang pagtiklop ng mata, patuloy na pinalalakas ang katawan dulot na rin ng kakulangan sa pahinga...Mga paliwanag na sinagot ng ibat-ibang karanasan ng kapwa ko nagpupuyat...Sa kabila ng kadiliman na pilit kong binabagtas ay masisilayan mo ang isang pagasa na syang tanging makakapagpalakas sa ating kalooban. Hindi pala lahat ng dulot nito'y kawalan ng pagasa....Marami pala ang tulad ko na sa kabila ng pagpupuyat ay patuloy ding binubuo ang mga pangarap, patuloy na nagsisikap upang mabigyang katuparan ang mga mithiin na kahit kapirasong pagasa ay matugunan ng payak na katotohanan....

Sa pagtatapos ng isang magdamag at pagkupkop ng malamig na hangin sa mahinang katawan ay mababanaag ang isang pagasa, na sa kabila ng puyat na gabi-gabing nilalabanan ay mabubuo ang mga munting pangarap. Syang maging daan sa muling pagsasama-sama ng isang munting pamilya na puno ng buhay at kasayahan.....Kadiliman, bagong pagasa, bagong pangarap......

No comments: